Matagumpay na naisakatuparan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ligtas na pagsuko at pagkuha sa tatlong indibidwal na may kaugnayan sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah (DI) sa isinagawang operasyon noong Marso 14, 2026.

Photo from NBI

Pinangunahan ang operasyon ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (NBI-BARMM) katuwang ang iba pang yunit kabilang ang NBI Central Mindanao Regional Office, NBI-Sarangani District Office, at NBI Counter Terrorism Division, kasama ang iba pang security forces. Isinagawa ito matapos makatanggap ng intelligence report na may mga indibidwal na nais nang kumalas sa armadong grupo at sumuko sa pamahalaan.

Ayon sa impormasyong nakuha, humiling ang mga nasabing indibidwal ng ligtas at neutral na paraan ng pagsuko dahil sa pangamba sa posibleng paghihiganti ng kanilang mga kasamahan sa BIFF at DI. Dahil dito, agad nagsagawa ang mga otoridad ng protective extraction operation upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Photo from NBI

Ang mga sumukong indibidwal ay sinasabing kabilang sa BIFF/DI Karialan faction na aktibo sa bayan ng Mamasapano.

Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ng mga ito ang ilang matataas na kalibreng armas kabilang ang isang Barrett rifle na may .50 caliber, isang M79 grenade launcher, isang M203 grenade launcher tube, isang Mosin rifle na may magazine, at dalawang bala ng 7.62mm.

Matapos ang operasyon, ligtas na dinala ang mga sumukong indibidwal sa isang secure na pasilidad para sa dokumentasyon, paunang debriefing, at security processing.

Ayon sa mga otoridad, naging maayos at walang naging aberya ang isinagawang operasyon.