Naaresto ang tatlong lalaki matapos ang isang matagumpay na operasyon sa ilalim ng Search Warrant No. 25-234 para sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Ang warrant ay inisyu ng Executive Judge ng RTC, Hall of Justice, Lagao, General Santos City, noong Disyembre 10, 2025, at naisakatuparan ng Police Station 7, katuwang ang SWAT/CMFC-GSCPO, RID12, CIU-GSCPO, RMFB 1201st Company, JTF Gensan, at Gensan MARPSTA, sa ilalim ng supervision ni PMAJ Ari Noel H. Cardos, Station Commander.

Ang operasyon ay isinagawa bandang 5:59 ng umaga noong Disyembre 12, 2025, sa tahanan ni Alias “Jhay,” 26 taong gulang, residente ng 3rd IB, Block 1, Barangay Fatima, General Santos City. Sa loob ng search, narekober ang isang dismantled .38 caliber revolver pistol, kasama ng isang .38 caliber live ammunition at apat na piraso ng .45 caliber live ammunition. Nakumpiska rin ang walo pang medium square-sized transparent plastic sachets at isang maliit na rectangular-shaped transparent plastic sachet na naglalaman ng inihinalang shabu, isang pack ng maliit na transparent plastic cellophane, at isang maliit na stainless steel scissor.

Habang isinasagawa ang operasyon, naaresto rin sina Alias Jason, 32 taong gulang mula Maguling, Maitum, Sarangani Province, at Alias JD, 21 taong gulang, residente ng 3rd IB Village, Blk 16, Brgy. Fatima, General Santos City. Ang kabuuang timbang ng nakumpiskang iligal na droga ay 38.2 gramo, na may tinatayang halaga na ₱259,080.00.

Ang mga suspek ay pinaalam sa kanilang karapatan ayon sa konstitusyon sa isang wika na kanilang ganap na naunawaan. Pagkatapos ng operasyon, dinala sila sa Dr. Jorge Royeca Hospital, Barangay Lagao, para sa medical at physical examination, at susunod na ihahain sa duty jail custodian.

Natapos ang operasyon bandang 9:05 ng umaga sa maayos at mapayapang paraan. Kasalukuyan nang inihahanda ang Formal Criminal Complaints para sa paglabag sa RA 10591 at RA 9165 sa pamamagitan ng inquest proceedings. Ang mga nakumpiskang kontrabando ay isusumite sa Honorable Courts habang ang nakumpiskang droga ay ipapadala sa General Santos City RFU-12 para sa kwalitatibo at kwantitatibong pagsusuri.