Binibigyang-diin ni Atty. Randolph Parcasio, Party Secretary General ng Mahardika Party, ang mahalagang papel ng Tawi-Tawi at Sulu sa pagpapaunlad ng Bangsamoro, partikular sa aspetong pang-ekonomiya at panlipunan.
Ayon kay Parcasio, ang dalawang lalawigan ay may natatanging lokasyon dahil pinakamalapit ang mga ito sa mga maunlad at kaibigang estado sa Southeast Asia. Dahil dito, nakikita ng partido ang malaking posibilidad na maging katulad ng Singapore ang antas ng kaunlaran sa mga lugar na ito kung mabibigyang-diin ang kanilang potensyal bilang “gateway” ng rehiyon.
Dagdag pa niya, hindi lamang usapin ng kalakalan at ugnayang panlabas ang benepisyong dulot ng pag-angat ng Sulu at Tawi-Tawi. Malaki rin umano ang maiaambag ng mga ito sa pagpapatibay ng awtonomiya sa Bangsamoro, na higit pang magpapalakas sa paglalakbay ng rehiyon tungo sa tunay na kasarinlan at kapayapaan.
Hinimok din ni Parcasio na kilalanin at isulong ang mga programang nakatuon sa pag-angat ng dalawang lalawigan, sapagkat dito nakasalalay ang mas malawak na benepisyo para sa buong Bangsamoro.