Isang mapayapa, maayos, at ligtas na halalan ang iniulat ng Joint Task Force Central (JTFC) at 6th Infantry (Kampilan) Division sa kanilang Area of Responsibility nitong Mayo 12, 2025. Sa kabila ng ilang tensyon at pagkaantala sa ilang lugar, walang naitalang nasawi sa buong araw ng halalan.

Sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, nagkaroon ng tensyon kaugnay sa pagbuo ng Electoral Boards. Isang partido ang humiling na palitan ng pulisya ang mga gurong nagsisilbing poll workers, dahil umano sa pagiging ‘bias’ ng mga ito.

Nagdulot ito ng sandaling kaguluhan sa tanggapan ng COMELEC, ngunit agad namang naresolba ng mga tropa ng 6ID. Naibalik ang kaayusan at agad naipagpatuloy ang botohan.

Ayon sa pamunuan ng JTFC, ang tagumpay ng eleksyon ay resulta ng masusing koordinasyon at pagtutulungan ng AFP, PNP, COMELEC, pamahalaan ng BARMM, mga lokal na opisyal, civil society organizations, at media partners na naging katuwang sa pagbabahagi ng tamang impormasyon at pagbabantay sa katahimikan.

Kabilang sa mga naging hakbang ng 6ID upang matiyak ang ligtas na eleksyon ay ang pagsasagawa ng political forums at peace covenant signings sa iba’t ibang bahagi ng kanilang nasasakupan.

Nagpadala rin ng karagdagang tropa mula sa Western Mindanao Command, kabilang ang MBLT-6, Armor Division, DRCs, at 48IB.

Tuluy-tuloy rin ang kanilang focused military operations upang mapababa ang banta mula sa mga armadong grupo.

Ilan sa mga operasyon bago ang eleksyon ay nagresulta sa pagkaka-engkuwentro sa mga armadong indibidwal, pagkakakumpiska ng mga armas at war materiel, at pag-aresto sa ilang indibidwal sa pamamagitan ng mga AFP-PNP-COMELEC checkpoint.
Ang mga ito ay nakatulong upang maiwasan ang posibleng karahasan sa mismong araw ng botohan.

Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang matagumpay at mapayapang halalan ay patunay ng kahalagahan ng pagkakaisa at pagtalima sa demokrasya.

Pinuri niya ang kanyang mga tropa para sa kanilang ‘professionalism’ at dedikasyon, at nagpasalamat din sa PNP, COMELEC, LGUs, civil society, at sa mga mamamayang Bangsamoro sa kanilang kooperasyon at pagbabantay sa kapayapaan.

Dagdag ni Maj. Gen. Gumiran, ang halalang ito ay hindi lamang simpleng operasyon sa seguridad kundi isang pagtatanggol sa demokrasya at tiwala ng publiko.

Ang kawalan ng nasawi ay patunay na epektibo ang pagtutok sa mapayapang resolusyon at legal na pamamaraan.

Hinikayat niya ang lahat na dalhin ang tagumpay na ito patungo sa nalalapit na kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa Oktubre.

Samantala, isinagawa ang Provincial Board of Canvassing sa loob ng kampo ng 6th Infantry Division sa Awang, Datu Odin Sinsuat, alinsunod sa resolusyong inilabas ng COMELEC.

Saklaw nito ang Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at ang mga lugar sa Special Geographic Area ng BARMM.

Pinasalamatan din ni Maj. Gen. Gumiran ang katapangan at integridad ng mga Provincial at Municipal Election Officers na patuloy na nagsilbi sa kabila ng mga banta at panggigipit.

Kinilala rin ang mahalagang papel ng media sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at pagpigil sa maling balita.

Ayon pa kay Gumiran, ang mga aral mula sa National and Local Elections 2025 ay nagsisilbing matatag na pundasyon sa mas malawak na paghahanda para sa kasaysayang gagawing halalan sa BARMM.

Aniya, ang tagumpay ng Mayo 12 na halalan ay isang malinaw na mensahe na kayang makamit ang kapayapaan, kaayusan, at demokrasya kung magtutulungan ang lahat.