‎Ipinagpatuloy ng tanggapan ni Bangsamoro Member of Parliament Atty. Kitem “Kits” D. Kadatuan, Jr. ang implementasyon ng flagship program nitong SAM-KITS matapos itong mag-turn over ng tig-1,000 sako ng bigas sa mga bayan ng Datu Piang at Pandag sa Maguindanao del Sur.

‎Sa Datu Piang, personal na tinanggap nina Mayor Datu Victor T. Samama, Al Haj at Vice Mayor Atty. Mohamad Omar A. Samama ang mga sako ng bigas mula sa opisina ng mambabatas, na agad namang ipinamahagi sa mga residente ng bayan.

‎Ayon sa mga lokal na opisyal, malaking tulong ang nasabing ayuda lalo na sa mga pamilyang nangangailangan, habang inaasahan din ang patuloy na ugnayan sa pagitan ng municipal government at ng tanggapan ni MP Kadatuan.

‎Samantala, tumulak din ang grupo ng mambabatas sa bayan ng Pandag kung saan isa pang 1,000 sako ng bigas ang ipinamahagi sa mga residente.

‎Nagpasalamat si Bai Faudjiah B. Mangelen, Board Member ng Maguindanao del Sur, at sinabing napapanahon ang tulong lalo na’t nalalapit ang paggunita ng banal na buwan ng Ramadan.

‎Wala pang inilalabas na kabuuang bilang ng mga benepisyaryong pamilya sa dalawang bayan.