Inanunsyo ng Notre Dame Village Operators Transport Cooperative na tapos na ang tatlong araw na transport holiday sa Cotabato City.

Ayon kay Chairperson Khaddafy Macapendeg, maaari nang bumiyahe muli ang mga driver simula alas-siyete ng gabi.

Pinayagan na rin ang lahat ng miyembro ng kooperatiba na magbalik pasada upang maibalik ang normal na transportasyon sa lungsod.

Nilinaw ni Macapendeg na nananatili sa P20 ang napagkasunduang pamasahe sa kanilang internal arrangement.

Binigyang-diin din nito na walang obligadong dagdag pamasahe at anumang hinihinging dagdag bilang “sadaka” ay boluntaryo lamang.

Nakikiusap ang mga driver ng pang-unawa mula sa mga commuter dahil sa patuloy nilang nararanasang hirap sa kabuhayan.

Sinabi pa ni Macapendeg na bukas ang posibilidad ng pag-uusap para sa adjustment sa pamasahe kung patuloy na hindi kakayanin ng kita ng mga driver ang kanilang gastusin.

Nagpasalamat din ang kooperatiba sa suporta ng Vice Mayor at mga City Councilors ng Cotabato City sa pagresolba ng isyu.

Sa kabuuan, inaasahang babalik na sa normal ang daloy ng transportasyon matapos ang pansamantalang tigil pasada.