Tinambangan ang isang grupo ng mga sibilyan sa Barangay Tonganon, Carmen, North Cotabato pasado alas-7 ng umaga ngayong araw, Abril 29, 2025, na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang lalaki, pagkasugat ng isang menor de edad, at pagkawala ng isang babae.

Kinilala ang mga nasawing sina Andro Garcia at Dagol Caboylo. Tinamaan naman sa paa ang isang binatilyo, habang patuloy na hinahanap ang isa pang babaeng kasama nila.

Ayon kay Hadji Abdullah Pandita Hamsa, kilala rin bilang “Commander Transceiver” at isang mayoralty candidate sa Special Geographic Area ng BARMM, papunta sana sa bukid ang grupo upang mag-abuno ng pananim na tubo nang bigla silang ratratin ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Hinala ni Commander Transceiver, posibleng ang motibo sa pananambang ay may kaugnayan sa matagal nang rido o alitan ng pamilya. Aniya, nagsimula ang tensyon noong Disyembre at lalong tumindi noong panahon ng Ramadhan, kung saan may naitalang mga nasawi sa magkabilang panig. Bagamat nagtangka nang ayusin ang gusot sa pamamagitan ng dayalogo, muling sumiklab ang karahasan kamakailan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad at kasalukuyang ginagalugad ang lugar para mahanap ang nawawalang babae.