Isang Pagsulut at Pagduwaa o Thanksgiving Settlement ang naisagawa kamakailan sa Tipo-Tipo, na nagtipon sa Municipal Local Government Unit at ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula sa Barangay Baguindan.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan, Provincial Negotiating Team, Basilan Police Provincial Office, 1101st Infantry Brigade, at mga lider-relihiyoso mula sa Basilan Ulama Supreme Council. Layunin ng pagtitipon na mapatibay ang ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga komunidad na dati ay sangkot sa alitan.
Sa mensahe ni Tipo-Tipo Mayor Arcam Istarul, binanggit niya ang pangarap ng yumaong ama na si dating Mayor Tong Istarul na magkaroon ng mas maayos na relasyon sa pagitan ng mga pamilya at angkan sa kanilang bayan.
Samantala, ipinunto ni Basilan Governor Mujiv Hataman na ang pagbabati at pagkakasundo ay hindi lamang nakasalalay sa pormal na kasunduan, kundi sa aktibong pakikipagtulungan at pagtanggap ng magkabilang panig. Ayon sa kanya, mahalaga ang taos-pusong hangarin upang matiyak na ang pagkakasundo ay magtatagal.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, bahagi ang naturang settlement sa patuloy na kampanya laban sa rido at iba pang anyo ng armadong alitan sa Basilan. Kabilang sa mga hakbang ang koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, security sector, at mga religious leaders upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa mga komunidad.
Pinapayuhan ang lahat ng partido na magpatuloy sa dayalogo at pakikipag-ugnayan upang maiwasan ang muling paglala ng tensyon sa lalawigan.

















