Inulat ng lokal na pamahalaan ng Tipo-Tipo sa Basilan nitong Martes na sinalakay ang naturang bayan ng mga armadong kalalakihan na umano’y sinusuportahan ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa isang abisong ipinaskil sa opisyal na Facebook page ng lokal na pamahalaan, inanunsyo ng Tipo-Tipo LGU ang suspensyon ng lahat ng klase, operasyon ng pamahalaan, at mga gawaing pangkabuhayan hanggang sa magkaroon ng karagdagang abiso, dahil sa hindi matatag na sitwasyon ng seguridad.
“Tipo-Tipo, tinutugis ng mga armadong grupo na may suporta umano mula sa MILF,” ayon sa post. “Lahat ng klase at trabaho sa pamahalaan ay kanselado hanggang sa susunod na abiso. Lahat ay pinapayuhang manatiling ligtas at maging mapagmatyag. Ipagdasal natin ang Tipo-Tipo.”
Si Mohagher Iqbal, tagapangulo ng MILF Peace Implementing Panel, ay hindi pa nagbibigay ng pahayag sa oras ng paglalathala ng ulat.
Kumpirmado naman ng Philippine Army na nagkaroon nga ng insidente sa Tipo-Tipo at kasalukuyan pa nitong beripikahin ang mga detalye mula sa kanilang mga yunit sa lugar.
“Tinitiyak namin sa publiko na kontrolado ng Philippine Army ang sitwasyon. Naipadala na ang aming mga tropa upang tiyakin ang seguridad ng lugar at kaligtasan ng mga residente,” ayon kay Colonel Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Army.
Dagdag pa niya, patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng militar sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng seguridad upang maibalik ang kaayusan at matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

















