Matagumpay na naaresto ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO) ang isa sa mga Top 10 Regional Level Most Wanted Person sa Purok 8, Brgy. Lawili, Aleosan, Cotabato nitong Setyembre 27, 2025.

Kinilala ang suspek bilang si alias “Tan”, residente ng nasabing lugar. Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Rainera P. Osua ng Midsayap, Cotabato para sa kasong murder (Criminal Case No. 19-058) na ipinalabas noong Marso 6, 2019.

Ang operasyon ay ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Aleosan MPS Tracker Team, Regional Intelligence Division 12 (Tracker Team Echo), 1203rd Regional Mobile Force Battalion (RMFB 12), 2nd CPMFC, Provincial Intelligence Team – North Cotabato, RIU 12, at CIDG North Cotabato PFU.

Matapos maaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang karapatang konstitusyonal sa ilalim ng Miranda Doctrine. Siya ay sumailalim sa medikal na pagsusuri sa Aleosan District Hospital at isinailalim sa police booking bago ikustodiya ng Aleosan Municipal Police Station. Ang kanyang warrant of arrest ay isusumite pabalik sa korte para sa commitment order.

Ayon kay PCOL Gilberto B. Tuzon, Provincial Director ng CPPO “Ipinapakita ng tagumpay na ito ang kahusayan ng ating kapulisan at higit pang nagpapalakas ng tiwala at kumpiyansa ng mamamayan sa ating law enforcement. Isa itong patunay ng aming integridad, dedikasyon, at kahusayan sa paglilingkod.”