Naaresto ang ikatlong pinakamataas sa listahan ng most wanted persons sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte sa isang matagumpay na operasyon ng warrant of arrest na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng lokal na kapulisan at ng Maguindanao del Norte Police Intelligence Unit.

Isinagawa ang operasyon sa bahagi ng Poblacion 2 ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ng Parang Municipal Police Station (MPS), ang suspek ay may kinakaharap na kasong may kinalaman sa Republic Act 7610 o ‘Abduction with Rape’, isang mabigat na krimen na nagdulot ng matinding alarma sa komunidad.

Matagal na umanong pinaghahanap ang akusado, at sa wakas ay nasakote ito sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad.

Ang arrest warrant laban sa suspek ay inilabas pa noong Marso 10, 2020, ng korte na may hurisdiksyon sa kaso. Nakatakdang iharap sa korte ang akusado para sa pagdinig ng kanyang kaso at pormal na paglilitis.

Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa custodial facility ng Parang Municipal Police Station kung saan isinasagawa kaukulang dokumentasyon para sa tamang disposisyon ng kaso.

Nagpahayag naman ang mga opisyal ng kapulisan ng kanilang patuloy na determinasyon sa pagtugis sa mga wanted na kriminal upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa komunidad.

Hinihikayat din nila ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa kanilang mga operasyon.