Arestado na ang itinuturing na Top 3 most wanted drug personality ng Iloilo City matapos madakip sa Brgy. Nanga, Pototan, Iloilo bandang alas-5:38 ng hapon noong Marso 24, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Romil,” 55-anyos, walang trabaho at residente ng Jaro, Iloilo City na matagal umanong nagtatago sa batas.

Nahuli ito ng pinagsanib na puwersa ng Iloilo City Police Station 3 at Pototan Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.

Partikular na kinakaharap ng suspek ang kaso ng pagbebenta, pamamahagi at transportasyon ng iligal na droga sa ilalim ng Article II, Section 5, kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte.

Ang naturang warrant ay inilabas pa noong Setyembre 29, 2023 ng Regional Trial Court Branch 25 sa Iloilo City.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Iloilo City Police Station 3 ang naarestong suspek para sa kaukulang disposisyon ng kanyang kaso.