Hindi binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos ang posibleng administrative charges na maaaring kaharapin ni PNP Chief General Benjamin Torre III, matapos niyang mismong mag-organisa ng kanilang boxing match ni Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Ayon kay Atty. Proculo Sarmen, isang legal expert, sa halip na pagsabihan si Torre, tinawag pa ito ni Pangulong Marcos na “Bagong Kampeon” sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).

Nagulat pa raw si Torre nang bigla siyang mabanggit at gawing special mention ni Marcos sa talumpati.

Hinala ng publiko, ito’y patungkol sa pagkapanalo ni Torre sa isinagawang boxing match na ginawa umano para sa charity bilang tulong sa mga biktima ng kalamidad.

Nauna nang sinabi ni Atty. Sarmen na posibleng nalabag nina Torre at Duterte ang Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Naniniwala ang abogado na may legal na implikasyon ang sagupaan ng dalawa, lalo’t sila ay mga public officials na may pananagutang ipakita ang propesyonalismo, respeto, at dignidad sa kanilang tungkulin.

Giit ni Sarmen, ang hamon at mismong pag-organisa ng boxing match ay may bigat na pananagutan sa ilalim ng Civil Service Law, at ng DILG gamit ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sa ngayon, nananatiling tahimik ang dalawang ahensyang inaasahang magsisiyasat sa ginawa nina Torre at Duterte.