Naglabas ng traffic advisory ang Pamahalaang Panlungsod ng Cotabato kaugnay ng isasagawang BOSS Ironman Challenge Mindanao Cup 2026 na gaganapin bukas, Enero 31, mula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga.
Ayon sa paabiso ng City LGU, pinapayuhan ang mga motorista na iwasan muna ang Sinsuat Avenue, lalo na ang mga papasok at palabas ng downtown area, upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko habang isinasagawa ang aktibidad.
Para sa mga kinakailangang dumaan sa nasabing lugar, itinakda bilang alternatibong ruta ang Don Teodoro V. Juliano Avenue, gamit ang entrance at exit sa tapat ng Landbank–Cotabato City Hall.
Samantala, inatasan ang mga truck na palabas ng lungsod na dumaan sa Diversion Road bilang bahagi ng ipinatutupad na traffic management plan.
Ayon pa sa LGU, ang rutang dadaanan ng mga kalahok sa kumpetisyon ay mula Sinsuat Avenue, lalabas ng Badoy Street, at tutungo sa Delta Bridge.
Humingi naman ng pang-unawa ang Pamahalaang Panlungsod sa publiko at hinikayat ang mga motorista na mag-adjust o agahan ang kanilang biyahe, gayundin ang mahigpit na pagsunod sa mga traffic enforcer upang maiwasan ang abala at aksidente.

















