Patay ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) habang dalawa naman ang sugatan matapos ang pamamaril na naganap sa isang resort sa Sitio Kamanga, Barangay Tasiman, bayan ng Lake Sebu, South Cotabato, pasado alas-12:30 ng tanghali nitong Huwebes, Enero 1, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na si Joel Blonto, 48 anyos, may asawa at residente ng nasabing barangay.
Sugatan naman ang dalawa niyang kasama na kinilalang sina alyas “Efren”, 32 anyos, residente ng Purok 2 Proper, at alyas “Lito”, 46 anyos, residente ng Sitio Kamanga, Barangay Tasiman.
Samantala, ang itinuturong suspek ay kinilala lamang sa alyas “Virgil”, 30 anyos, empleyado ng nasabing resort at residente ng Barangay Polonuling, bayan ng Tupi, South Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng Lake Sebu Police Station, nasa Merry May’s Resort ang mga biktima kasama ang kanilang mga pamilya para sa isang family bonding nang magkaroon ng alitan sa pagitan ng tatlong biktima at ng suspek, na nauwi sa pamamaril.
Isinugod pa sa Lake Sebu Municipal Health Care Complex si Blonto, subalit idineklara na itong dead on arrival ng mga doktor.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek na si alyas “Virgil” sa Lake Sebu Municipal Police Station, dala ang isang caliber .45 na baril na ginamit umano sa pamamaril.

















