Kumilos na ang Bangsamoro Task Force on Special Concerns (BTFSC) upang tugunan ang matagal nang problema sa pagkaantala ng mga bayarin sa iba’t ibang ministries, offices, at agencies (BMOAs) ng BARMM. Ang Task Force ay binuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 003, s. 2025 ni Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua.

Nakatuon ang inisyatibo sa pag-aayos ng financial obligations at internal workflows ng mga ahensya upang matukoy ang mga dahilan ng delay sa pagbabayad. Kabilang dito ang mga kakulangan sa proseso ng dokumentasyon, pati na rin ang pakikipag-ugnayan sa suppliers at service providers.

Sa mga naunang pagpupulong, binigyang-diin ng Task Force ang pangangailangan ng malinaw at sistematikong pamamaraan sa pagproseso ng bayarin, kasabay ng mas mahigpit na pagsunod sa umiiral na financial at accounting rules, upang maiwasan ang pagkakaroon ng backlog sa hinaharap.

Kasama sa mga dumalo sa serye ng assessment ang mga opisyal mula sa iba’t ibang division ng ministries, at mga kinatawan mula sa Office of the Chief Minister gaya ng Office of the Chief of Staff, Internal Audit Office, Bangsamoro Treasury Office, Technical Management Service, at Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO).

Ayon sa BTFSC, magtutuloy-tuloy ang mga pagsusuri sa lahat ng ministries sa mga darating na linggo. Layon nitong matiyak na ang mga transaksyong pinansyal sa BARMM ay maisasagawa nang mas mabilis, maayos, at transparent bilang bahagi ng pagpapatupad ng moral governance.