Sa gitna ng patuloy na pagbigat ng trapiko sa Cotabato City, agad na kumilos ang Cotabato City LGU upang ipatupad ang mga paunang solusyon habang hinihintay ang pagsisimula ng Skyway Project na nakatakdang magsilbing pangmatagalang tugon sa suliraning ito.
Isa sa mga unang hakbang na ipinatupad ay ang mahigpit na pagpapatupad ng no-parking policy sa kahabaan ng Sinsuat Avenue, isang lugar na madalas maging sanhi ng mabagal na daloy ng mga sasakyan.
Tinalakay rin ang pagtatakda ng tamang pamasahe sa mga pampasaherong sasakyan, alinsunod sa panuntunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), upang maprotektahan ang mga pasahero laban sa labis na paniningil.
Bukod dito, isinulong din ang regulasyon sa mga payong-payong. Kabilang dito ang pagbabawal sa kanilang pagdaan sa national highway, pagtatakda ng sakop na ruta batay sa kulay ng kanilang sasakyan, at mahigpit na monitoring upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.