Nais paigtingin ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang hakbang upang matugunan ang patuloy na kakulangan ng malinis at maayos na suplay ng tubig sa lungsod.
Kamakailan, iminungkahi ng alkalde ang pagbuo ng isang tripartite agreement sa pagitan ng Japanese International Cooperation Agency (JICA), Metro Cotabato Water District (MCWD), at ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City.
Layunin ng kasunduan na maglatag ng mas matatag na sistemang pangtubig, kung saan magsisilbing local counterpart funder ang City Government upang maibsan ang ilang gastusin, kabilang ang value-added tax (VAT) na bahagi ng proyekto ng JICA.
Tinatayang nasa mahigit 29,000 kabahayan ang makikinabang sakaling maisakatuparan ang proyekto. Kabilang dito ang posibilidad ng ₱200 diskwento sa buwanang singil sa tubig sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.
Ayon sa alkalde, dadaan pa sa masusing proseso sa Embahada ng Japan at sa regional government ang naturang kasunduan. Gayunman, iginiit niyang bukas ang lokal na pamahalaan na makipagtulungan upang matiyak ang sapat, ligtas, at abot-kayang suplay ng tubig para sa mga residente ng Cotabato City.
		
















