Naglabas ng pahayag ang Bangsamoro Government kaugnay ng inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema laban sa implementasyon ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77 (BAA 77), o ang batas ukol sa redistricting sa rehiyon.
Ayon kay Chief Minister Hon. Abdulraof A. Macacua, buong paggalang nilang kinikilala ang desisyon ng Korte Suprema bilang huling tagapagpaliwanag ng batas. Nilinaw rin niya na ang TRO ay pansamantalang nagsususpinde lamang ng pagpapatupad ng batas at hindi ito nangangahulugang binabawi o pinawalang-bisa na ang BAA 77.
“Mananatiling may bisa ang BAA 77 bilang isang lehitimong batas na naipasa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament,” ani Macacua, habang binigyang-diin ang prinsipyo ng presumption of regularity sa mga batas na ipinapasa ng pamahalaan.
Bilang tugon sa kautusan ng Korte Suprema, tiniyak ng Bangsamoro Government na sila ay maghahain ng opisyal na komento sa itinakdang panahon alinsunod sa direktiba ng hukuman. Buo ang kanilang kumpiyansa na sa pamamagitan ng legal na proseso ay maipapahayag nila ang kanilang panig at mapangangalagaan ang mandato na ibinigay sa kanila sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
“In shaa Allah, mananatili kaming tapat sa pagsiguro na lahat ng aming mga hakbang ay nakabatay sa katarungan, legalidad, at kapakanan ng mamamayang Bangsamoro,” pagtatapos ni Chief Minister Macacua.