Naglabas ng Tropical Cyclone Bulletin No. 2 ang PAGASA para sa Tropical Depression Huaning ngayong alas-11 ng umaga, Agosto 18, 2025.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 535 kilometro silangan-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa sentro at pabugso-bugsong hangin hanggang 70 kilometro bawat oras. Mabagal itong kumikilos pa-hilagang hilagang-kanluran.
Walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa. Hindi rin inaasahan na direktang makakaapekto ang bagyo sa kalupaan at katubigan ng Pilipinas. Ang malakas na hangin mula sa sentro ay umaabot hanggang 270 kilometro ngunit wala itong direktang epekto sa bansa.
Ayon sa forecast, kikilos pa-hilaga ang bagyo at posibleng makalabas ng Philippine Area of Responsibility ngayong gabi o bukas ng umaga, Agosto 19. Mananatili itong tropical depression sa buong forecast period, bagaman may posibilidad na lumakas bilang tropical storm.
Pinapayuhan ang publiko at mga disaster risk reduction offices na manatiling nakahanda at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, lalo na sa mga lugar na madaling bahain o magkaroon ng landslide.