Pumasok na sa kalupaan ng Casiguran, Aurora ngayong umaga (Agosto 22) ang Tropical Depression Isang na unang namataan sa silangan ng lalawigan. Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 km/h at bugso na aabot sa 90 km/h, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 15 km/h.

Signal No. 1 ang nakataas sa malaking bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon kabilang ang Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Cordillera, Ilocos Region, Aurora, Nueva Ecija at Pangasinan.

Ayon sa PAGASA, magdadala rin ng malakas na ulan at malalakas na hangin si Isang kasabay ng habagat, na posibleng makaapekto hanggang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.

Inaasahang tatawid ang bagyo sa Northern Luzon ngayong araw at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Agosto 23. Posible itong lumakas bilang tropical storm habang nasa West Philippine Sea.

Pinapayuhan ang mga residente at mangingisda lalo na sa mga apektadong baybayin na mag-ingat at patuloy na mag-monitor sa mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.