Isang truck driver na naka-duty para sa isang malaking mall sa Cotabato City ang umano’y binugbog ng dalawang lalaki ngayong hapon sa Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa impormasyong nakuha, kasabay sa biyahe ng truck ang isang convoy ng sasakyan na umano’y nainis matapos hindi agad makalusot sa malapad na truck habang sinusubukang mag-overtake.
Matapos silang makalampas, pinara ng mga suspek ang truck at agad sinuntok ang driver. Ayon pa sa source, armado umano ng baril ang dalawang lalaki na sangkot sa pananakit.
Sa ngayon, nag-aatubili pa ang biktima na magsampa ng reklamo dahil sa takot na muli siyang balikan ng mga suspek.