Inihayag ni Donald J. Trump ang planong pansamantalang pagtigil ng mga operasyong militar laban sa Iran sa loob ng dalawang linggo, kasunod ng mga usaping diplomatiko kasama ang mga lider mula sa Pakistan.
Ayon sa pahayag, nagkaroon ng pag-uusap sina Trump, Shehbaz Sharif, at Asim Munir kung saan hiniling ng panig ng Pakistan na ipagpaliban muna ang planong pag-atake laban sa Iran.
Bilang kapalit, inaasahan umano na papayag ang Iran na buksan nang ligtas at agad ang Strait of Hormuz isang mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis.
Ayon pa kay Trump, ang planong tigil-putukan ay magiging “double-sided ceasefire,” na nangangahulugang parehong panig ang magpapatigil ng aksyong militar. Aniya, natamo na ng Estados Unidos ang kanilang mga layuning militar at malapit na rin umano sa isang pangmatagalang kasunduan para sa kapayapaan sa Gitnang Silangan.
Dagdag pa rito, nakatanggap umano ang U.S. ng 10-puntong panukala mula sa Iran na kanilang nakikitang matibay na batayan para sa negosasyon. Sa loob ng dalawang linggong tigil-putukan, inaasahang maisasapinal ang mga kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, patuloy na minamatyagan ng international community ang sitwasyon, lalo na’t may malaking epekto ito sa seguridad at ekonomiya ng buong mundo.

















