Patay sa pamamaril ang isang tricycle driver kahapon ng tanghali sa Purok 3, Barangay Damawato, bayan ng Datu Paglas, Maguindanao del Sur.
Kinilala ng PRO BAR Spokesperson na si Lt. Col. Jopy Ventura ang biktima na si Tammy Makungay Tando, 41-anyos, residente ng Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Batay sa inisyal na ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang itim na Bajaj motorcycle nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek at pinaputukan. Tatlong tama ng bala sa dibdib at kamay ang tinamo ni Tando na agad nitong ikinasawi sa pinangyarihan ng insidente.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang apat na basyo ng bala mula sa kalibreng 5.56 na baril.
Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng Datu Paglas Municipal Police upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek sa krimen.