Hindi na umabot pang buhay ang isang tricycle driver habang dalawa naman ang sugatan matapos silang makaladkad ng isang pampasaherong jeep na nawalan ng preno sa Crossing, Barangay Cannery Polomolok, South Cotabato, 6:15 ng umaga kahapon, Enero 23.
Kinilala ang driver na nasawi na si Almer Ampit, 38-anyos at residente ng Barangay Magsaysay, Polomolok.
Ayon kay Polomolok PNP Chief Lt. Col. Peter Pinalgan Jr., nagmula sa Cannery Road ang jeep na minamaneho ni Arsenio Manoto kasama ang pasahero na si Edwin Yuba na residente ng Alabel, Sarangani at papunta sana sila sa direksyon ng Tupi nang natuklasan nila na nawalan na ng preno ang jeep.
Nakaladkad naman nito ang nakaparadang traysikel kung saan sakay ang pobreng si Ampit sanhi upang pumailalim ito sa jeep hanggang sa mahulog ang dalawang sasakyan nito sa kanal.
Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang dalawang nasa jeep na si Manoto at Yuba matapos na tumalon ito sa sasakyan.
Mechanical error ang itinuturong dahilan ng pagkakaaksidente habang patuloy naman sa pag-iimbestiga ang PNP Polomolok hinggil sa insidente.