Tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Norte ang mga kaso ng rido o alitan sa ilang bahagi ng lalawigan, sa gitna ng pagpapatupad ng iba’t ibang programa para sa kapayapaan at kaunlaran.
Ayon kay Governor Datu Tucao Mastura, isinasagawa na ang imbentaryo sa mga lugar na may naitalang rido upang matukoy ang mga dapat unahing tugunan. Dagdag pa niya, matapos ang ilang kasunduang pangkapayapaan kamakailan, inatasan na ang mga lokal na lider na tukuyin ang mga aktibong alitan para maisulong ang mga hakbang sa pagkakasundo.
Sinabi rin ni Mastura na nagpapatuloy ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga lokal na opisyal at peace stakeholders upang makabuo ng pangmatagalang solusyon sa problema ng rido sa Maguindanao del Norte.

















