Sa unang araw ng kampanya ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), tumugon si UBJP Vice President at MBHTE Minister Mohagher Iqbal sa mga bumabatikos sa kaniya at sa kanilang grupo.

Giit ni Iqbal, siya ay isang law-abiding citizen at patuloy na sumusunod sa mga kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF, kabilang ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.

Dagdag pa niya, hindi dapat sisihin ang MILF sa mga kasalukuyang isyu tulad ng pagkaantala sa decommissioning ng mga natitirang combatants.

Itinuring din ni Iqbal na makasaysayan ang darating na Bangsamoro Parliamentary Elections dahil ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng mga lider na hango sa kagustuhan ng taumbayan at hindi lamang nakasalalay sa pambansang pamahalaan.

Samantala, kinuwestiyon ni Iqbal ang isinasagawang redistricting sa rehiyon na tinawag niyang halimbawa ng gerrymandering—o ang taktika ng pagbago ng hangganan ng mga distrito para paboran ang ilang pulitiko o partido.

Sa huli, nanawagan siya ng suporta para sa adbokasiya ng UBJP na nakatuon sa kapakanan ng nakararami at ng buong Bangsamoro region.