Naging matagumpay ang isinagawang malakihang pagindorso ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP sa mga magiging pambato nito sa darating na Halalan sa taong 2025.
Ginanap noong Sabado, Setyembre 28 sa Shariff Kabunsuan Cultural Center sa loob ng Bangsamoro Government Center sa siyudad ng Cotabato, isa-isa sa bawat probinsya at munisipyo na idineklara ng UBJP ang kanilang mga pambato sa pagkakongresista, alkalde, bise alkalde, konsehales maging mga gobernador, bise gobernador at mga kasama nito sa Sangguniang Panlalawigan, kasabay naman ng pagtanggap ng bawat isa sa hamon ng pagpapayabong ng nasimulan ng UBJP sa nakalipas na panahon sa kani kanilang mga bayan at lalawigan sa pamamagitan ng acceptance.
Samantala, hindi kabilang sa mga inindorsohan ng UBJP ang walong SGA-BARMM municipalities sapagkat magkakaroon aniya ito ng sariling endorsement activity sa bayan ng Pahamuddin na kanilang iaanunsyo sa mga miyembro nito.
Punong-puno naman ang SKCC grounds ng mga kandidato at mga piling panauhin ng Partido upang sumaksi sa naturang aktibidad kabilang na ang isang representante na mula sa Partido Federal ng Pilipinas na siyang National Party ng Pangulong BBM.
Kasama at naroon din sa nasabing pagtitipon ang tatlong ulo ng partido na sina UBJP President Alhaj Murad Ebrahim, Vice President Mohagher Iqbal at Secretary General Sammy Almansoor Macacua maging ang matataas na opisyal ng UBJP.