Tila ‘okay’ ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa posibleng pag-urong ng kauna-unahang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Marso patungong Nobyembre ng susunod na taon.

Ito ang inihayag ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament Deputy Speaker Atty. Elijah Dumama Alba sa isang ambush interview ng 93.7 Star FM Cotabato sa lungsod.

Ayon kay Alba, bagama’t may pag-asa pa na maisagawa ang halalan, nasa kamay pa rin ng Kongreso ang huling desisyon sa petsa. Aniya, sa oras na maipasa ang Districting Bill sa hanay ng BTA Parliament, agad itong ihahain at tatalakayin sa Kongreso para sa kaukulang aksyon.

Dagdag pa ng mambabatas, sa ilalim ng Republic Act 12123 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., may tatlong posibleng petsa para sa halalan ngunit sa huli, Kongreso pa rin ang magpapasya sa pinal na iskedyul.

Kaugnay ng pag-urong ng calendar of election activities ng Commission on Elections (COMELEC) para sa First Bangsamoro Parliamentary Election (BPE), sinabi ni Alba na wala na silang magagawa kundi sumunod sa 120-day prohibition ng komisyon hinggil sa districting o pagtatakda ng hangganan ng mga distrito.

Giit ni Alba, upang maiwasan ang pagkakamali na naganap sa mga nakaraang districting, mas mainam na magpasakop na lamang sa anumang direktiba ng COMELEC.