Ipinahayag ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ang kahandaan nitong lumahok sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na itinakda sa Oktubre ng taong ito.

Ayon kay UBJP Spokesperson Engr. Mohajirin Ali, nakahanda na ang kanilang partido matapos magpahayag ang Commission on Elections (COMELEC) ng buong suporta at kahandaan para sa makasaysayang halalan sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Kapag handa ang COMELEC, handa rin kami,” ani Ali. Dagdag pa niya, umaasa ang UBJP na hindi mauuwi sa wala ang paghahanda ng COMELEC, at na ito’y magreresulta sa isang tapat, kapani-paniwala, at mapayapang halalan—isang mahalagang hakbang para sa pagpapatibay ng demokratikong proseso sa rehiyon.

Isa rin sa mga inaasahang tatalakayin ng COMELEC at ng pamahalaan ng BARMM ay ang magiging disenyo o hulma ng halalan na angkop sa natatanging kalagayan ng rehiyon. Kabilang dito ang posibleng pag-aangkop ng sistema ng pagboto, kampanya, at representasyon ng mga sektor at lalawigan.

Samantala, nakatakda namang pag-usapan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang alokasyon ng pitong (7) bakanteng upuan sa parliament na orihinal na inilaan para sa lalawigan ng Sulu.

Isa sa mga tinatalakay ay ang posibilidad ng pag-aamyenda sa kasalukuyang parliamentary law ng rehiyon upang maipamahagi ito sa iba pang mga lugar sa BARMM, habang patuloy na nakabimbin ang usapin sa pagbabalik ng Sulu sa opisyal na saklaw ng rehiyon.

Ang nalalapit na BPE ay isa sa pinakamahalagang yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro, bilang ito ang unang pagkakataon na ang mamamayan ng rehiyon ay direktang boboto ng kanilang mga kinatawan sa parliament, na siyang magpapanday ng mga patakaran at batas para sa kapakanan ng buong rehiyon.