Tinatapos na ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ang mga espekulasyon: walang hidwaan, tampuhan o banggaan sa pagitan nina Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at dating Chief Minister Ahod Ebrahim, na siya ring pangulo ng UBJP.

Ito ang paglilinaw ni UBJP Spokesperson Engr. Mohajirin Ali matapos ang matagumpay na unang salvo ng kampanya ng partido sa Cotabato City.

Giit ni Ali, buo at matatag ang relasyon ng dalawang lider ng MILF at UBJP, at puro haka-haka lamang ang kumakalat na tsismis. Aniya, madalas mag-usap at magkamustahan sina Macacua at Ebrahim.

Nag-ugat ang usapin nang hindi dumalo si ICM Macacua sa nasabing kampanya, na lalong nagpasiklab ng mga spekulasyon. Paliwanag ng UBJP, abala sa trabaho si Macacua bilang ICM kaya hindi nakadalo.

Dagdag ni Ali, hindi dapat sayangin ng UBJP ang oras sa mga walang basehang tsismis dahil mas mahalaga ang tunay na laban — ang maipanalo ang partido sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.