Nag-courtesy call si Western Mindanao Command (WestMinCom) Chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete kay BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ilang araw matapos ang 2025 National at Local Elections. Ginanap ang pagpupulong sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City, upang talakayin ang mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng militar at pamahalaang rehiyonal sa pagsusulong ng kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa rehiyon.
Kasama ni Nafarrete si Maj. Gen. Donald Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya sa pagpapatupad ng mga programa sa seguridad at pamamahala, lalo na sa panahon ng transisyon ng BARMM.
Tampok sa usapan ang pagpapatuloy ng Bangsamoro Task Force on Ending Local Armed Conflict (BTF-ELAC) sa antas ng probinsya at munisipyo, at ang pagsuporta sa mga proyektong magpapalakas sa peace process, tulad ng pagbuo ng TESDA training center para sa mga dating combatant bilang tulay sa kanilang reintegrasyon at kabuhayan.
Pinag-usapan din ang mga isyung panseguridad na lumitaw sa nakaraang halalan at ang paghahanda para sa nalalapit na BARMM at Barangay elections ngayong Oktubre at Disyembre.
Tiniyak ni Chief Minister Macacua ang pagpapatuloy ng bukas na komunikasyon at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang epektibong serbisyo at napapanatiling pag-unlad sa rehiyon.