Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 124 na taon ng Korte Suprema, bumisita ang limang mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman sa Sulu nitong Huwebes, Setyembre 4, upang pormal na pasinayaan ang pagsisimula ng konstruksyon ng bagong Hall of Justice sa probinsya.

Pinangunahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang delegasyon kasama sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justices Jhosep Lopez, Japar Dimaampao, at Jose Midas Marquez. Kasama rin nila si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr., at sinalubong sila ni Governor Abdusakur Tan at iba pang opisyal ng lalawigan.

Ayon kay Gov. Tan, makasaysayan ang nasabing pagbisita dahil ito ang unang pagkakataon na nakarating sa Sulu ang mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman. Aniya, magbibigay ito ng pag-asa at inspirasyon sa mga mamamayan at sa susunod na henerasyon ng mga taga-Sulu.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni CJ Gesmundo na ang pagtatayo ng bulwagan ng katarungan ay hindi lamang pisikal na istraktura, kundi simbolo ng matatag at makatarungang sistema kung saan ang mga alitan ay nareresolba sa tamang proseso at hindi sa dahas.

Mula Zamboanga City, lumipad patungong Sulu ang delegasyon sakay ng dalawang Black Hawk helicopters.

Itatayo ang modernong Hall of Justice na may glass structure at neoclassical facade sa loob ng Sulu Provincial Capitol Grounds sa bayan ng Patikul.