Isang panukalang batas sa Bangsamoro Parliament ang naglalayong itatag ang kauna-unahang regional science high school sa lalawigan ng Basilan upang mabigyan ang mga mag-aaral doon ng oportunidad na makapag-aral sa larangan ng science, technology, engineering, at mathematics (STEM) nang hindi na kailangang lumuwas sa mainland.
Sa ilalim ng Parliament Bill No. 388, iminungkahi ang paglikha ng Lamitan Regional Science High School (LRSHS) na itatayo sa Lamitan City, Basilan. Layunin nitong tugunan ang kakulangan ng espesyal na paaralan para sa agham sa isla, kung saan maraming kabataang may potensyal ang napipilitang mag-enroll sa karaniwang pampublikong paaralan dahil walang access sa advanced STEM education.
Sa kasalukuyan, tanging ang Amir Bara Lidasan National High School sa Parang, Maguindanao del Norte ang nagsisilbing regional science high school sa BARMM. Matatagpuan ito sa mainland na mahigit 500 kilometro ang layo mula Lamitan, at nangangailangan ng magastos at mahirap na biyahe sa dagat—isang malaking hadlang para sa mga mag-aaral mula sa Basilan at iba pang isla.
Ayon kay MP Abrar Hataman, principal author ng panukala, mahalaga ang pagtatatag ng paaralan upang maging daan sa paghubog ng mga susunod na siyentipiko, imbentor, inhinyero at lider na makakatulong sa pag-unlad ng Basilan, BARMM at buong bansa.
Ang itatayong LRSHS ay ilalagay sa ilalim ng pamamahala ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at Department of Science and Technology (DOST). Manggagaling ang pondo mula sa Bangsamoro General Appropriations Act, habang obligadong maglaan ng lupa ang lokal na pamahalaan ng Lamitan para sa pagtatayo ng paaralan. Ang MBHTE ang maghahanda ng mga patakaran para sa pagpapatupad at operasyon ng paaralan.
Noong 2023, ipinasa ng Bangsamoro Parliament ang Bangsamoro Autonomy Act No. 40 o Bangsamoro Science High School System Act, na naglalatag ng balangkas para sa pagtatayo ng mga science high school sa rehiyon. Binigyang-diin ni Hataman na layunin ng panukala na tiyakin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil lamang sa kanilang lokasyon.

















