Matapos ang serye ng masinsinang diyalogo at koordinasyon sa pagitan ng militar, lokal na pamahalaan, at mga kinauukulang lider, matagumpay na naisagawa ang pormal na pag-aayos ng rido sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur, noong Oktubre 8, 2025.

Ang kasunduan ay naganap sa pagitan ni Hon. Datu Rasul Sangki, alkalde ng Ampatuan, at ni Hamsa S. Kindo, Battalion Commander ng 11th Brigade, 118th Base Command, BIAF–MILF, na kapwa residente ng bayan ng Ampatuan.

Pinangunahan ng 601st Infantry (Unifier) Brigade sa pamumuno ni Brig. Gen. Edgar L. Catu ang naturang peace settlement, katuwang ang 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Loqui O. Marco, at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur, sa presensya ni Governor Datu Ali Midtimbang.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Brig. Gen. Catu ang kahalagahan ng pagtitiyaga, tiwala, at bukas na komunikasyon sa likod ng matagumpay na pagkakasundo.

Aniya, “Hindi naging madali ang paghaharap ng dalawang panig dahil sa matagal nang alitan na nauwi sa karahasan.

Ngunit sa pamamagitan ng matiyagang pakikipagdiyalogo, kusang lumapit ang bawat panig upang maipahayag ang kanilang saloobin at hangaring wakasan ang hindi pagkakaunawaan.

Ang pagkakasundong ito ay patunay na walang imposible kung may pagpapatawad, pag-unawaan, at pagkakaisa para sa kapayapaan ng ating bayan.”

Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang 601st Brigade, 90th IB, at ang pamahalaang panlalawigan sa matagumpay na inisyatiba.

Aniya, ang dedikasyon ng mga ito ay inspirasyon sa pagpapatuloy ng mga programang pangkapayapaan, “na nagtataguyod ng peacebuilding, mediation, at inclusive dialogue para sa tuluyang pagkakaisa sa rehiyon.”

Nagpahayag din ng pasasalamat si Governor Datu Ali Midtimbang sa mga kasundaluhan at mga lider na naging tulay sa pagkakasundo ng dalawang panig.

Nanawagan siya sa mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa mas matatag na kapayapaan at kaunlaran sa buong Maguindanao del Sur.

Via All photo credits to 601st Infantry Unifier Brigade