Muling pinalawig ni US President Donald Trump ang banta sa energy facilities ng Iran, kasabay ng patuloy na negosasyon para sa posibleng pagtatapos ng tensyon sa rehiyon.

Matatandaan, limang araw muna ang unang itinakda ni Trump na tigil sa mga strikes sa Iranian energy sites, bilang tugon umano sa kahilingan ng Tehran. Ngunit kamakailan, pinalawig niya ang babala hanggang 10 araw o hanggang Abril 6, kasama ang panawagan sa Iran na tanggapin ang ipinapanukalang peace plan.

Ayon sa kanya sa isang cabinet meeting, haharap sa “pinakamatinding bangungot” ang Iran kung hindi susunod sa plano. Kumpirmado naman ni Special Envoy Steve Witkoff na naipadala na ang isang 15-point peace proposal sa Tehran.

Bilang tugon, iginiit ng isang Iranian official na may ligal na karapatan ang bansa na kontrolin ang Strait of Hormuz, na kritikal sa global energy supply.

Samantala, nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon: sa Israel, Iran, at Lebanon, iniulat ang dalawang nasawi sa Abu Dhabi matapos tamaan ng debris mula sa naharang na missile na pinaniniwalaang nagmula sa Iran.