Patay ang dalawa katao habang pito ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga armadong suspek ang isang van sa Barangay Bagan, Guindulungan, Maguindanao del Sur, pasado alas-7:30 ng gabi nitong Agosto 25.
Batay sa inisyal na ulat mula sa Guindulungan Municipal Police Station (MPS), isa sa mga nasawi ay kinilalang si Abdulrasid Mamo, isang kumander ng MILF sa ilalim ng 105th Base Command. Kasama nito ang 16 pang kasamahan na sakay ng isang itim na Toyota Commuter Van (plate number MCV 4862) na noon ay bumabagtas sa national highway patungong Datu Saudi Ampatuan.
Pagdating sa lugar ng insidente, bigla na lamang pinaputukan ng mga hindi nakikilalang suspek ang naturang sasakyan. Sa kabila nito, nagawa pang imaneho ng tsuper ang van hanggang sa Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station upang humingi ng tulong.
Agad na rumesponde ang mga pulis at isinugod ang pitong sugatan sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) Maguindanao para sa gamutan. Isa sa mga biktima ang idineklarang dead-on-arrival sa ospital, habang isa pa ay natagpuang wala nang buhay sa loob ng sasakyan.
Narekober ng mga imbestigador sa lugar ang ilang basyo ng bala mula sa hindi pa natutukoy na uri ng armas. Samantala, ang ginamit na van ng mga biktima ay nasa kustodiya na ng Datu Saudi PNP.
Lumabas din sa ulat na mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang itim na minivan na walang plaka patungo sa direksiyon ng South Cotabato.
Patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Guindulungan PNP upang tukuyin ang mga salarin at ang motibo sa krimen, habang inalerto naman ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang lahat ng unit para magsagawa ng dragnet operation laban sa mga tumakas na suspek. Nakipag-ugnayan na rin ang mga otoridad sa SOCO para sa crime scene processing.