Nahaharap sa kasong diskwalipikasyon si Bai Fatima Ainee Sinsuat, tumatakbong vice governor ng Maguindanao del Norte, matapos umanong manakot ng mga gurong nagsilbing Board of Election Inspectors (BEIs) noong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections noong 2022 hanggang 2023.

Ang reklamo ay inihain mismo ng kanyang kapatid na si Asnawi Sinsuat Limbona, na iginiit na may sapat silang ebidensya sa mga paglabag ni Bai Ainee sa Omnibus Election Code.

Isa sa mga isinumiteng ebidensya ay ang video na umano’y nagpapakita ng pagmumura ng kandidata sa mga guro habang ginagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin sa eleksyon.

Sa kanyang complaint affidavit, hiniling ni Limbona sa Commission on Elections na kanselahin ang certificate of candidacy ni Bai Ainee Sinsuat at ideklarang walang bisa ang kanyang kandidatura dahil sa mga paglabag sa batas.

Wala pang inilalabas na pahayag ang panig ni Bai Ainee Sinsuat ukol sa nasabing reklamo.