Malaking kawalan para sa mamamayan at buong bayan ng South Upi ang maaga at di katanggap-tanggap na kamatayan ni Vice Mayor Roldan Benito.
Ito ang naging sagot ni South Upi Mayor Reynalbert Insular ng matanong ng mga kawani ng media hinggil sa pagkakasawi ng bise alkalde.
Namatay si VM Roldan kahapon habang pauwi ito sakay ng kanyang pick-up at sa pagsapit nito sa Barangay Pandan ay bigla na lamang itong tinambangan ng mga di pa batid na salarin.
Kabilang sa nasawi ang security escort nito at sugatan naman ang kanyang misis na syang kapitan ng Barangay Pandan at anak nito.
Ayon kay Insular, ipinagluluksa ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng South Upi ang pagkamatay ni Benito na aniya ay malaking kabawasan sa mga lingkod bayan ng South Upi.
Umapela naman ang alkalde sa lahat ng mamamayan at residente ng Barangay Pandan na dapat at maging mahinahon at kalmante.
Hiling din ng alkalde na sana ay ipaubaya na lamang sa otoridad ang imbestigasyon hanggang sa makamit ang tunay na katarungan ng pamilya ng mga biktima.
Nagtalaga na rin ng mga sundalo sa lugar ang Philippine Army upang mapanatili ang kapayapaan at maging tahimik ang lugar.