Mariing kinondena ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army ang pamamaril sa Pangalawang Punong Bayan ng Datu Piang, Hon. Omar Samama, na naganap ngayong araw ng Lunes Pebrero 24, 2025, sa Magaslong Convention Hall, Barangay Magaslong, Datu Piang.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Kampilan Division, itinuturing nilang isang duwag at walang saysay na karahasan ang naturang insidente, na isang banta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Ipinahayag din nila ang kanilang pakikiramay at panalangin para sa mabilis na paggaling ni Vice Mayor Samama, at tiniyak sa mamamayan ng Datu Piang na mananatili silang matatag sa pagsulong ng hustisya at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Sa ngayon, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Kampilan Division sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen. Hinimok din nila ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa agarang paglutas ng kaso.
Tiniyak ng 6th Infantry Division na hindi sila magpapadalos-dalos sa kanilang misyon na protektahan ang seguridad ng mamamayan sa kanilang nasasakupan. “Hindi namin papayagan ang anumang anyo ng karahasan at kawalan ng batas na magdudulot ng kaguluhan sa ating komunidad,” ayon kay Brigadier General Donald M. Gumiran, Commander ng JTFC / 6D.
Patuloy na umaasa ang mga awtoridad sa suporta ng mamamayan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Datu Piang at karatig-lugar.