Naglabas ng opisyal na pahayag ang Villar Land Holdings Corporation kaugnay sa isinampang kaso ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Department of Justice (DOJ), na ayon sa kanila ay limitado pa ang kaalaman sa detalye dahil hindi pa nila natatanggap ang kopya ng reklamo.

Ayon sa Villar Land, nasa proseso na ng DOJ ang pag-evaluate ng reklamo upang matukoy kung kinakailangan ng preliminary investigation.

Binigyang-diin ng kumpanya na matagal na nilang pinananatili ang mataas na pamantayan sa good corporate governance, at ang lahat ng kanilang negosyo at opisyal ay nakatuon sa transparency at pagsunod sa mga umiiral na regulasyon ng SEC at Philippine Stock Exchange.

Aniya, bukas at nakikipagtulungan sila sa SEC mula pa nang magsimula ang fact-finding investigation at patuloy na nagdi-disclose ng mahahalagang developments sa kanilang financial status sa mga regulatory bodies.

Pinunto ng Villar Land Chairman na sa kanyang mahabang karera bilang entrepreneur, mula sa pagbebenta ng hipon at isda sa Divisoria hanggang sa pamumuno sa isang malaking kumpanya, hindi siya sangkot sa anumang ilegal na gawain na magdudulot ng pinsala sa mga customer o investor.

Tiniyak din ng kumpanya na sasagutin nila ang lahat ng alegasyon sa tamang forum at makikipagtulungan sa patas na imbestigasyon na nagtataguyod ng due process at proteksyon sa publiko.

Sa huli, ipinahayag ng Villar Land ang tiwala na mananaig ang hustisya at ma-eexonerate sila sa mga paratang na tinawag nilang “walang basehan.”