Maaaring ituring na paglabag sa privacy at cybercrime law sa Pilipinas ang viral na “screenshot gift” video, ayon sa mga digital advocate.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, campaigner ng Digital Pinoys, sinabi niya na maaaring kasuhan ang nag-upload ng video sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act, Data Privacy Act of 2012, at Cybercrime Prevention Act.
Binanggit ni Gustilo na ipinagbabawal ng mga batas na ito ang pag-record, pag-share, at pag-repost ng pribadong nilalaman nang walang pahintulot, kabilang ang mga screenshot ng private conversations. Ang paglabag dito ay maaaring magresulta sa pagkakakulong at multa.
“Ang pag-record o pag-expose sa isang tao online nang walang pahintulot ay hindi accountability—ito ay paglabag sa karapatan na may kaakibat na legal na epekto,” dagdag niya.
Aniya, hindi tama ang pagpapakalat ng pribadong nilalaman sa internet nang walang consent, at hindi rin makatarungan ang paggamit ng online exposure o public shaming bilang paraan ng paghihiganti o pagpaparusa.
Dagdag pa ni Gustilo, malinaw sa batas na kailangang hayagan at explicit ang pahintulot ng isang tao bago i-share ang pribadong nilalaman. Ang mga kasong may malisyosong content na nakakasira sa reputasyon ng tao o grupo ay may kasamang pananagutan.
Binigyang-diin din niya na ang pagpapakalat ng malisyosong nilalaman online ay maaaring magdulot ng responsibilidad hindi lamang sa unang nag-upload kundi pati na rin sa mga nag-repost nito.
Hinimok ni Gustilo ang publiko na maging responsable sa paggamit ng digital platforms at magsulong ng digital literacy upang maprotektahan ang karapatan ng bawat isa sa online world.
VIA STAR FM CEBU

















