Patuloy na iniimbestigasyon ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang isang viral video kung saan makikita ang isang lalaki na diumano’y gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang naturang video, na mabilis na kumalat sa social media, agad na umagaw ng atensyon ng publiko at mismong ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay PLT Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, agad nilang bineripika ang authenticity ng video matapos matawag ang kanilang pansin ng alkalde ng lungsod. Kasalukuyan nilang inaalam kung kailan at saan ito kinunan, pati na rin ang tunay na detalye sa likod ng insidente.

Bagamat hindi pinangalanan ng otoridad ang nasabing indibidwal, lumitaw na ang kanyang pagkakakilanlan sa social media matapos mai-upload at mag-viral ang video. Depensa naman ng nasasangkot, nahack umano ang kanyang account kaya ito kumalat—isang paliwanag na patuloy pang sinisiyasat ng mga awtoridad.

Samantala, tiniyak ng CCPO na isasailalim sa masusing imbestigasyon ang nasabing indibidwal upang matukoy kung patuloy pa rin itong gumagamit ng iligal na droga o kung dati na itong tumigil.

Nagbabala naman ang pulisya sa publiko na huwag gayahin ang ganitong klase ng gawain at huwag basta-basta maniwala sa lahat ng nakikita sa social media. Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng CCPO ang mga indibidwal na patuloy pa ring nalululong sa ipinagbabawal na gamot—tumigil na bago mahuli. Dahil ayon sa kapulisan, hindi sila titigil sa pagtugis sa mga lumalabag sa batas.