Malakas ang loob na hinamon ni Cotabato City Vice Mayor Butch Abu ang mahigpit na katunggali nitong si City Mayor Bruce Matabalao na ilabas na sa publiko ang dokumento na basehan umano ng Local Government Support Fund o LGSF na nagkakahalaga umano ng isandaan at limampung milyong piso.

Ayon kay Vice Mayor Abu, strange o nakakapagtaka umano ang nakabibinging pananahimik ng alkalde gayong ito rin ang nagsabi sa kanyang press con na handa nitong ibigay ang dokumento.

Sa liham na ipinadala noong nakaraang buwan ng Enero 24 ng Bise Alkalde sa Office of the City Mayor, tinanong lamang nito kung ano ang naging basehan ng opisina sa paghiling ng P150-M halaga ng LGSF na mula sa OCM-BARMM.

Nakakalula aniya ang laki ng pondo na nakuha ng siyudad kung kayat dapat maipaliwanag aniya kung saan ito gagamitin sa lalong madaling panahon.

Hindi na rin aniya kailangan pang gumugol ng sandamukal na oras ang ehekutibo dahil ang SBR o Special Budget Request ang pinakaimportanteng dokumento na isusimite sa Regional Government upang mapondohan ang anumang proyekto na magiging basehan o sandigan ng LGSF.

Kung maalala, sinimulan na sa Kamara de Representantes ang imbestigasyon sa alingasngas ng diumano ay Misused Funds ng BARMM sa ilalim ng Resolution Number 2199.

Kabilang sa nakatanggap ng diumano ay may alingasngas na LGSF ang lungsod ng Cotabato.