Tila natalo sa kinakaharap nitong giyera ang mama. Ito na lang ang nasambit ni M’lang North Cotabato Vice Mayor Joselito Piñol sa kaso ni PFC Dennis Pillado na unang napaulat na walang habas na nagpaputok ng baril na inisyu sa kanya ng AFP sa isang national highway sa Barangay Bialong kamakailan.
Sa isang panayam sinabi ni Piñol na kung ang video lamang at mga ulat ang pagbabasihan, tiyak na makakatanggap ito ng pagtutuya at batikos ngunit kung bukas palad at isip itong susuriin, maiintindihan ng lahat kung bakit ito nakagawa ng matinding hakbangin na kagaya ng walang habas na pagpapaputok.
Nakausap pa aniya ni Piñol ang sundalo bago ang insidente ng humingi ito ng tulong pinansyal para sa burol at punerarya ng namatay nitong asawa, manugang at bayaw habang mayroon ding ibang kamaganak ang sundalo na nagpapagaling sa ospital kasama na rito ang kanyang anak.
Mula umano sa ospital ang sundalo upang kunin ang papeles ng namatay nitong bayaw ngunit ng kailanganin nito ng authorization, tumawag ito sa kaanak ngunit tila napagalitan ito at nasisi sa mga pangyayari kung kayat sumabog na ito at walang habas na namaril sa daan.
Dahil sa trauma sa pagmamaneho, naglalakad na lamang ang naturang si Pillado na diumano ay anim na araw nang walang tulog at tila baga ay nagseself-pity sa nangyari.
Ayon sa Bise Mayor, dapat ikunsidera ng mga kaanak ang kundisyon ng sundalo na sa halip na sisihin at idiin ay tulungan na lamang ito. Nagpayo naman ang bise mayor sa pamilya ni Pillado na wag nang magturuan at magsisihan, bagkus ay magtulungan na lang dahil wala namang may gusto sa nangyaring trahedya at pangyayari.