Ibinunyag ni Bise Presidente Sara Duterte na may malinaw na habilin ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, sakaling bawian ito ng buhay habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay VP Sara, mismong ang kanyang ama ang nagsabi na nais nitong ipa-cremate na lamang ang kanyang labi at doon na rin sa Netherlands isagawa ang cremation. Tanging ang abo lamang umano ang gusto ng dating Pangulo na maiuwi sa Pilipinas.

Ibinahagi ito ni VP Sara matapos niyang dalawin si dating Pangulong Duterte sa detention facility ng ICC nitong Martes.

Bagama’t hindi siya sang-ayon sa naturang plano ng kanyang ama, iginiit umano ng dating Pangulo na itutuloy pa rin niya ito kahit hindi aprubahan ng kanyang pamilya.