Nagpapatuloy ang retrieval operation ng nasa 10 sundalong Amerikano sa Barangay Malatimon, Ampatuan, Maguindanao del Sur matapos bumagsak ang isang eroplano noong Linggo.

Ayon kay Lt. Col. Roden Orbon ng 6th Infantry Division, ang mga US military personnel ay tumutulong lamang sa pagkuha ng mga labi ng bumagsak na aircraft. Aniya, kailangan ng mga bihasang sundalo para sa ganitong operasyon.

Kasama rin sa operasyon ang mga sundalo ng 90th Infantry Battalion at ang Ampatuan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Tiniyak ni Orbon na walang dapat ipag-alala ang publiko, lalo na ang mga taga-Ampatuan, sa presensya ng mga sundalong Amerikano. May koordinasyon din sila sa 6th Infantry Division.

Samantala, nilinaw ni Orbon na ang surveillance at intelligence mission ng US at Philippine Army ay hindi na sakop ng 6th ID.

Nakuha na ang mga labi ng apat na nasawi noong Pebrero 6, ngunit nananatili pa rin sa lugar ang bumagsak na eroplano, isang Beechcraft King Air 300.

Ayon sa ulat, nagsasagawa lamang ng aerial survey ang eroplano nang ito ay mag-crash.