Patuloy ang walang humpay na operasyon laban sa mga wanted persons ng PRO 12 at PRO BAR, kung saan matagumpay nilang nahuli ang isa sa Top 10 Regional Level Most Wanted Persons noong Disyembre 24, 2025 sa Barangay North Cadulawan, Munai, Lanao del Norte.
Ang suspek na kilala sa alyas na “Jestoni”, 50 taong gulang at residente ng Bangkerohan, Davao City, ay naaresto sa pamamagitan ng mas pinahusay na koordinasyon ng iba’t ibang yunit. Pinangunahan ito ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), Munai Municipal Police Station (MPS), at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Lanao del Norte Police Provincial Office (LDN PPO), na sinamahan din ng PIU at Makilala MPS mula sa Cotabato Police Provincial Office (CPPO).
Ang pag-aresto ay isinagawa alinsunod sa Warrant of Arrest na inilabas ng korte kaugnay sa kasong Rape. Agad na dinala ang suspek sa Munai Municipal Police Station para sa tamang proseso at dokumentasyon.
Ayon kay PBGEN Arnold P. Ardiente, Regional Director ng PRO 12:
“Ang pagkakahuli sa Regional Most Wanted Person na ito ay isang mahalagang tagumpay para sa ating sistema ng hustisya. Patuloy na masigasig ang aming mga yunit sa paghahabol sa mga may nakabinbing warrants upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga komunidad.”

















