Timbog ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng batas kaugnay sa kasong murder matapos ang isinagawang magkasanib na operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Kuden, Kulaman noong Marso 24, 2026.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Kikon,” 26 taong gulang, binata, magsasaka, at residente ng Barangay Villamonte, Lebak.

Isinagawa ang operasyon ng tracker team ng Lebak Municipal Police Station katuwang ang 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company at South Upi Municipal Police Station. Ang pag-aresto ay base sa umiiral na warrant of arrest laban sa suspek para sa kasong murder, na walang inirekomendang piyansa.

Maayos namang naaresto ang suspek at agad na dinala sa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang proseso.

Ayon sa Lebak MPS, patuloy nilang paiigtingin ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad, lalo na ang pagtugis sa mga wanted na indibidwal, upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.