Napatay ang isang miyembro ng kilalang criminal group na si Kamlon Manardas Ragundo, 34-anyos, matapos itong manlaban sa mga pulis at sundalo na maghahatid sana ng mga warrant of arrest sa Barangay Panggao, Barira, Maguindanao del Norte nitong Lunes.
Ayon sa mga lokal na opisyal at tradisyunal na lider sa lugar, bigla umanong naglabas ng baril at granada si Ragundo at pinaputukan ang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine Marines mula sa Marine Battalion Landing Team-2, dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad na nauwi sa kanyang pagkamatay.
Si Ragundo ay may kinakaharap na mga kasong extortion, multiple murder, armed robbery, at illegal drug trafficking sa mga korte sa Cotabato City at Lanao del Sur, kasama ang anim pa niyang armadong kasamahan na hindi miyembro ng alinmang grupo na may kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno.
Pinasalamatan ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz ng Police Regional Office–BARMM ang mga opisyal ng Marines sa matagumpay na operasyon.
Sa imbestigasyon, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang M16 rifles, mga bala, at granada na naiwan ng mga kasamahan ni Ragundo na agad tumakas matapos ang engkwentro.